Ang Pagdeklara ng Martial Law

ANG GABI NG DEKLARASYON

Noong gabi ng Setyembre 23, 1972, kinausap ni Ferdinand Marcos ang mga Pilipino gamit ang telebisyon at radyo para ipaalam sa buong bansa na nagdeklara na siya ng batas militar.

 

Inilarawan ng Proclamation No. 1081 ang state of lawlessness na laganap sa buong bansa at inilalagay sa panganib ang buhay ng mga Pilipino.

 

Ginawang dahilan ni Marcos ang paglakas ng mga Komunista sa bansa. Ayon sa kanya, nakakuha sila ng armas mula sa Tsina na siyang gagamitin upang pabagsakin ang pamahalaan at guluhin ang mapayapang buhay ng mga ordinaryong Pilipino. Ikinumpara ni Marcos ang estado ng bansa sa isang digmaan na plano niyang itigil.

Bilang sagot sa nagbabantang lakas ng mga Komunista, idineklara ni Marcos na isasailalim niya sa batas militar ang Pilipinas alinsunod sa kanyang kapangyarihan bilang Presidente na nakasaad sa 1935 Philippine Constitution. Kasama dito ay ang kapangyarihan ng Presidente na pangasiwaan ang Armed Forces ng Pilipinas para panatilihin ang batas at kaayusan, pati ang eksklusibong kapangyarihan para magpasya kung mananatiling nakakulong ang isang tao para sa kanyang mga krimen.

Ipinangako din ni Marcos na gagamitin niya ang mga special powers ng Batas Militar para mapalaganap ng kapayapaan at kaunlaran sa bansa. Makikita daw ng mga susunod kay Marcos ang bungang ito; ngunit, ang mga tututol sa kanya ay magdudusa tulad ng mga rebelde.

Kahit na Setyembre 23 ipinahayag ang pagdedeklara ng batas militar, pinirmahan ni Marcos ang dokumentong nagpapatupad nito noong Setyembre 21, 1972 dahil sa mga pamahiin niya tungkol sa mga numero.

 

MGA KAHINA-HINALANG PANGYAYARI

Noong idineklara ni Marcos ang batas militar sa Pilipinas, ang partikular na pangyayari na kanyang binanggit para bigyang katwiran ang kanyang desisyon ay ang pag-aalsa ng mga Komunista at ang naganap na pagtambang sa kanyang Minister of Defense na si Juan Ponce Enrile sa labas ng Wack-Wack subdivision. Kasama ang mga pangyayaring ito sa saklaw ng mga imminent threat o mga nalalapit na banta na siyang kakatuwiran sa pagdeklara ng batas militar.

Subalit, ang iniulat ng mga independent report noon ay dumadami lang sa 1,000 na tao ang mga NPA guerilla na ang hawak na sandata ay mga laos at lumang armas. Ayon sa mga tala ng NPA, dumadami lang ng 350 ang kanilang mga katauhan na may hawak ng first line rifles noong panahon ng batas militar. Ayon sa mga ibang eksperto, mismong ang pagdeklara ng batas militar noong 1972 ang nag-udyok sa pagdami ng mga kasapi ng mga radikal na organisasyon. Ayon sa mga tala tungkol sa pagtaas ng pagsali sa mga radikal na grupo, malaking dahilan ang ideyalismo ng kabataan at ang kanilang pagtutol sa mga abuso ng gobyerno. Sa katapusan ng panahon ng Martial Law, natala ang paglaki ng bilang ng mga miyembro sa mga radikal na grupo: ang 1,500 noong 1976 ay naging 35,000 noong 1985.

Pinagdudahan din ang sinasabing pag-atake kay Juan Ponce Enrile ng walang iba kundi si Juan Ponce Enrile din mismo. Sa isang panayam pagkatapos maitaboy mula sa kapangyarihan si Marcos, inamin ni Enrile na gawa-gawa lang ang kuwentong ito para daw maagaw ni Marcos ang kapangyarihang inaasam niya.

Ayon sa orihinal na kuwento, kaya lang daw nakatakas si Enrile ay sumakay siya sa kotse ng kanyang bodyguard sa halip na sa sarili niyang sasakyan. Sa katotohanan, dahil sa pag-amin ni Enrile, malamang ay gawa-gawa lang din ang mga nahanap na bala sa kanyang kotse. Kung susundan ang mga pangyayari, may alam si Enrile tungkol sa planong ito mula sa simula. Ayon kay Primitivo Mijares, ang dating media man ni Marcos, sinabi daw ni Marcos kay Enrile sa telepono:

“Make it look good. Kailangan siguro ay may masaktan o kung mayroon mapatay ay mas mabuti. O, hala, sige, Johnny, and be sure the story catches the Big News or Newswatch and call me as soon as it is over.”

 


Mga Sanggunian:

Larawan ni Xiao Chua.

  1. Mijares, P. (1976). The conjugal dictatorship of Ferdinand and Imelda Marcos. New York, NY: Union Square Publications.

  2. Proclamation no. 1081. The Official Gazette of the Philippines. Retrieved from this site.

  3. The 1935 Constitution. The Official Gazette of the Philippines. Retrieved from this site.

  4. Radio-TV address of President Marcos. The Official Gazette of the Philippines. Retrieved from this site.


RELATED ARTICLES


Warning Signs: The Events Leading Up to Martial Law
We look back at events before the declaration of Martial Law in 1972 that, in retrospect, could have served as signs ...
Batas Militar 101
Ang Batas militar ay ang pagpalit ng sibilyan na gobyerno para sa isang militar na pamamahala.
Young Marcos
By seeing both the good and the bad in Marcos’s early life, sifting through facts and myths, it becomes possible to s...