Isang Primer para sa Mulat na Mamamayan
ENGLISH VERSION
Sa mga nakaraang eksibit, pinag-usapan natin ang demokrasya at kung paano nito itinataguyod ang dignidad ng bawat Pilipino. Ipinangako ng Martial Law ang isang Bagong Lipunan. Ngunit, paglabag sa mga kalayaan, pagnakaw mula sa kaban ng bayan, at korapsyon ng mga institusyon ang ating naranasan sa ilalim nito. Mga paghihirap na patuloy nating nararanasan hanggang ngayon.
Hindi maaring nakasalalay ang tagumpay o pagkabigo ng isang bansa sa isang tao. Kahit sino man ang pinuno natin, ang bawat Pilipino ay may kakayahang gumawa ng mabuti para sa bansa bilang isang mulat na mamamayan. Paano tayo magtutulungan bilang isang pamilyang Pilipino para ipakita ang ating pagmamahal sa bansa?
ALAMIN ANG IYONG MGA KARAPATAN
Bilang mga Pilipino, kinikilala ng Saligang Batas ang ating mga likas na karapatan – mga karapatan na hindi maaaring ipagkait ninuman, kahit ng nakaupo nating mga pinuno. Alam rin natin na ang bawat karapatan ay may kaakibat na tungkulin sa lipunan. Bilang mulat na mamamayan, dapat natin sikaping gampanan ang mga tungkuling ito araw-araw.
Ang unang hakbang sa pagtaguyod ng mga karapatang ito ay ang pagkilala sa kanila. Kapag alam na natin kung ano ang ating mga karapatan, maaari nating silang isabuhay. Sa ganitong paraan din natin magagampanan ang ating mga tungkulin bilang mamamayan. Sa bawat karapatang kinikilala ng Saligang Batas, ano sa tingin mo ang kaakibat na tungkulin?
Ang karapatang mabuhay.
Ayon sa karapatang ito, sagrado ang bawat buhay. Ang pagpatay ay laging paparusahan ng batas. Pantay ang proteksyon na ibinibigay ng batas sa lahat ng buhay at hindi maaring ipagkait ang karapatang ito sa kahit sino man.
Ang karapatang magkaroon ng ari-arian.
Ayon sa karapatang ito, maaring magkaroon ng ari-arian ang lahat ng tao. Kung walang mabuting dahilan, hindi puwedeng halughugin o samsamin ng gobyerno ang pribadong pag-aari. Kahit mayroon nang search warrant, kailangan pa ring magpakita ng malinaw na dahilan ang mga kinauukulan at tukuyin ang mismong mga kagamitan o lugar na susuriin.
Ang karapatan sa pagiging lihim ng mga liham at komunikasyon.
Ayon sa karapatang ito, hindi dapat labagin ang pagiging lihim ng komunikasyon at korespondensya. Impormasyon na nakuha sa pamamaraan na lumalabag sa karapatang ito ay hindi maaring gamitin sa hukuman para idawit ang mananalita o manunulat. Sa ganitong paraan, tinitiyak ng estado ang ating kalayaang makipag-ugnayan.
Ang karapatan sa malayang pagpapahayag.
Ayon sa karapatang ito, ipinagbabawal ang pagtaguyod ng batas na nagbabawas sa kalayaan nating magsalita o magpahayag. Hindi maaring limitahan ang karapatan ng taong-bayan na ipetisyon at ipahayang ang kanilang mga reklamo, lalo na kung ito ay laban sa gobyerno. Ito ang pangunahing batayan ng demokrasya: na tayo ay may kalayaang ipaalam sa nakararami ang ating naiisip at makipagbalitaktakan bilang mulat na mamamayan.
Ang karapatan na pumili ng relihiyon.
Ayon sa karapatang ito, ang bawat Pilipino ay malayang makasasamba ayon sa relihiyon na kanilang napili at hindi ito maaaring ipagbawal ng batas. Hindi rin pwedeng gawing dahilan ang relihiyon ng isang tao para payagan o bawalan ang paggamit niya ng kanyang mga karapatang sibil at politikal.
Ang karapatan na malaman o mabatid ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa tanan.
Ayon sa karapatang ito, may karapatan ang bawat Pilipino na malaman ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa tanan. Kasama na rito ang mga talaang opisyal at datos na ginagamit ng pamahalaan sa paglikha ng mga polisiyang pambansa. Sa gayon, maaaring suriin ng bawat Pilipino ang ebidensya ng gobyerno at bumuo ng kani-kanyang konklusyon ukol sa mga polisiya ng bansa.
Ang karapatan na bumoto.
Ayon sa karapatang ito, puwedeng bumoto ang lahat ng Pilipinong 18 anyos pataas na nanirahan sa Pilipinas nang mahigit sa isang taon. Kaakibat nito, tungkulin ng gobyerno na gumawa ng mga paraan upang makaboto ang lahat, kahit ang mga hindi marunong magbasa o magsulat at ang mga may kapansanan. Sa isang malayang demokrasya, ang bawat Pilipino ay may boses sa pagpili ng kanyang mga pinuno.
Ang karapatan na magtipon.
Ayon sa karapatang ito, ang lahat ng tao ay malayang magtipon at bumuo ng mga unyon at samahan para sa ligal na layunin. Hindi kaso kung ang unyon o samahan ay hindi sumasang-ayon sa pananaw ng mga awtoridad. Basta ligal ang layunin ng samahan, ito ay pinapayagan ng batas.
Ang karapatan sa wastong kaparaanan ng batas.
Ayon sa karapatang ito, hindi dapat panagutin sa pagkasalang kriminal ang sino mang tao sa paraang hindi ayon sa kaparaanan ng batas. Dapat mabilis, patas, at publiko ang paghawak ng hukuman sa mga kasong ipinagkaloob sa kanya. Bukod dito, dapat matiyak ng hukuman na may abogado ang lahat ng akusado, kahit hindi nila kayang bayaran ito. Sa lahat ng mga pag-uusig kriminal, ang nasasakdal ay dapat ituring na walang sala hangga’t hindi napapatunayan ang naiiba.
Ang karapatan laban sa hindi makataong pagtrato.
Ayon sa karapatang ito, hindi maaaring gamitin ang labis na pagpapahirap o dahas laban sa mga akusadong iniimbestigahan o mga taong nahatulan na ng hukuman. Bawal din ang mga malupit na kaparusahan gaya ng lihim na kulungan at solitaryong pagkulong. Kung malabag ang karapatang ito, maaring humingi ng danyos mula sa gobyerno ang mga biktima at ang kanilang mga pamilya.
Sinasabing tayong mga Pinoy ay tila isang pamilya kung gumalaw. Nakatatak ito sa ating kultura. Ngunit sino nga ba ang ating pamilya? Bilang mga mulat na mamamayan, paano natin maipaparamdam sa lahat na tayo nga ay isang totoong pamilyang Pilipino?
Isang maaaring maging hadlang sa ating paglingkod sa kapwa ay ang paglagay natin ng limitasyon sa kung sino ang tinuturing nating kapamilyang Pinoy – kung sino ang ating tatratuhin ng may paggalang, kabaitan, at pakikiramay. Ano kaya ang magiging hitsura ng Pilipinas kung lahat ay maniniwala at kikilos bilang isang pamilya tungo sa mas magandang kinabukasan? Ang katotohanan ay kaya mong simulan ang pagbabagong ito sa sarili mong tahanan at dalhin ang iyong paglilingkod kahit saan ka man mapadpad.
Ang Tahanan
Ang biyahe patungo sa pagiging mulat na mamamayan ay nagsisimula sa tahanan. Kapag inisip natin ang ating mga bayani, lagi nating naiisip ang kanilang kadakilaan at mga marangal na gawain. Hindi natin naiisip na mas maraming pagkakataon na matuto at maging mulat na mamamayan sa sarili nating tahanan. Tumulong sa mga gawaing-bahay. Mag-aral ng mabuti. Tulungan ang iyong mga kapatid sa kanilang mga aralin. Galangin ang mga nakatatanda. Galangin ang nakababata. Matutong maging matipid sa paggamit ng tubig at kuryente. Magsabi ng ”po”, ”opo”, at ”salamat”. Ang mga munting gawaing ito ang siyang tumutulong sa atin na isabuhay ang pagiging makatao at makabayan. Ito ang tumutulong sa ating makamit ang serbisyong gusto nating itaguyod sa ating pamayanan at sa ating bansa. Huwag na huwag sana nating maliitin ang kapangyarihang taglay ng mga munting gawa ng pagmamahal at kabutihan. Ito ang matibay na haligi ng nating lipunan, isang haliging hinding-hindi matitibag.
Pamayanan
Ang pamayanan ay ang una nating makakasalamuha na hindi parte ng ating pamilya. Maaring sa pamayanan natin unang naranasan ang isang matibay na paniniwala na uudyok sa ating kumilos. Binibigyan tayo ng ating pamayanan ng pagkakataong umusbong at maglingkod sa kapwa. Marami tayong pagkakataong maglingkod sa pamayanan: sa ating eskwelahan, simbahan, at kahit sa ating mga kapitbahay. Ano ang mga pagkakataong ito sa iyong buhay?
Internet
Sinasabi na ang iyong totoong pagkatao ay ibinubunyag ng mga kilos mo kapag walang nakatingin. Sa online, nakatago tayong lahat sa ilalim ng anonymity. Walang nakakakilala sa atin sa mundo ng internet. Ito ay nagiging sanhi ng gulo at kawalang galang, lalo na sa mga usapin ukol sa mga isyung pampubliko. At dahil sa pagkaiba-iba ng mga klase ng mga artikulo at pagsusulat sa internet, maraming Pinoy ang nagkakalat ng balita o impormasyon na hindi totoo – sinasadya man nila o hindi. Sa harap ng magulo at nakalilitong mundo ng internet, kinakailangan nating kumilos nang may responsibilidad at pananagutan para sa ating mga salita at gawa. Kung ang lahat ay magiging totoo at magalang, magiging maayos ang ating pakikitungo sa isa’t-isa sa online. Higit pa rito ay maaari pa nating makumbinsi ang iba na mamulat sa katotohanan at mag-isip para sa kanilang sarili. Ang kritikal na pag-iisip ang siyang tutulong sa atin na kumilala sa mga kasinungalingan o fake news at sa totoong balita na siyang panggagalingan ng mga diskursong nakabatay sa katotohanan.
Bayan
Paano natin maipapakita ang ating pagmamahal sa bayan? Paano tayo magiging makabayan? Napakalaking konsepto nito ngunit kung iisipin, ito ay nagsisimula sa pagiging mabuti at makakapwa sa ating sariling mga tahanan, pamayanan, at sa internet. Ang pagbubuklod-buklod ng bawat isa at ng ating maliliit na paggawa araw-araw ang siyang susi sa pag-unlad ng mamamayang Pilipino at sa pagkamulat ng lahat. Isang paraan kung paano maipalalaganap ang ating pagkakaintindi ng pagiging makabayan ay ang pagpapalawak ng ating pag-unawa sa bayan at sa salitang “kababayan”. Sino nga ba ang ating mga kababayan? Ang Pilipinas ay binubuo ng samu’t-saring mga isla. Kinikilala ba natin bilang mga kababayan ang lahat ng mga tao sa lahat ng isla sa Pilipinas? Sa lawak ng ating pang araw-araw na buhay ay madaling makalimutan na ang Pilipinas ay binubuo ng napakaraming tao na may iba’t ibang kultura. Kailangan nating tanggapin na ang ating lakas ay ang sa ating pagkakaiba. Ang haligi ng ating pagkakaisa ay ang ating pagkakaiba. Dahil dito, kailangan nating pumili ng mga pinuno na magsusulong ng pagkakaisa sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. Kailangan nating suportahan ang mga polisiya na pakikinabangan ng lahat ng lalawigan, hindi lamang ang iilan. Kailangan nating makiramay sa karanasan ng lahat ng Pilipino, kahit gaano pa ito kaiba sa ating sariling karanasan, sa pamamagitan ng pakikinig at pakikibahagi sa kanilang mga galak at paghihirap. Bilang mga mulat na mamamayan, kailangan nating isapuso na ang pagmamahal sa bayan ay pagmamahal sa 100 milyong Pilipino bilang isang pamilya.