Demokrasya v. Awtoritaryanismo

Ang salitang “demokrasya” ay galing sa salitang Greek na ‘demos,’ o ‘tao,’ at ‘kratos,’ o ‘kapangyarihan.’ Ayon dito, ang isang demokratikong estado ay estado kung saan nanggagaling sa tao ang kapangyarihan. Maaari nating sabihin na ang awtoritaryanismo ay ang kabaligtaran ng demokrasya. Sa isang rehimeng awtoritaryan, ang lahat ng kapangyarihan ay nakaipon sa isang tao lamang, ang tinatawag na diktador.

Sa eksibit na ito, susuriin natin ang mga aspeto ng demokrasya at awtoritaryanismo para linawin kung ano ba talaga ang mga sistema ng kapangyarihan na ito at kung paano sila nagkakaiba. Susuriin din natin kung paano ito nakakaapekto sa mga institusyon ng ating bansa at kung paano sila nakakaapekto sa ating mga buhay bilang mga mamamayan.

Habang pinapalalim natin ang ating repleksyon tungkol sa Martial Law bilang isang panahon sa ating kasaysayan, dapat din nating ipalalim ang ating pag-unawa sa mga Pilipinong buhay noong mga panahon na iyon at kung ano ang nagudyok sa kanila para piliin ang demokrasya at hindi ang awtoritaryanismo noong EDSA.

 

PAGPILI NG MGA PINUNO

Isa sa mga natatanging katangian ng demokrasya, at ang pangunahing pagkakaiba nito sa awtoritaryanismo, ay ang proseso ng pagpili ng mga pinuno. Pinaninindigan ng demokrasya ang kapangyarihan ng mga mamamayan, at dahil dito ang mga pinunong pinipili ay siyang mga nagrerepresenta ng interes ng mga tao. Ang pagpili na ito ay ginagawa sa pamamamagitan ng patas at tapat na eleksyon kung saan mamaaring piliin ng mga mamamayan ang kanilang mga pinuno sa pamamagitan ng pagboto.

Napipili ang mga pinuno base sa pipiliin ng masa at ang kanilang kapangyarihan ay manggagaling sa katotohanang ito. Para siguraduhin ang integridad ng eleksyon, pinangangasiwaan ito ng isang komisyon na walang kinikilingan sa eleksyon. Mayroon ding mga nagmamasid ng proseso ng pagboto at pagbilang ng mga boto. Ngunit higit sa lahat, kailangan na makakaboto ang lahat ng mga Pilipino na walang takot o kaba. Dinisenyo ang eleksyon kung saan namumuno ang boses ng mga mamamayan para ang mapipiling pinuno ang siyang talagang nakikinig sa mga tao at gusto silang tulungan. At dahil panapanahong nagkakaeleksyon, sigurado tayo na ang mga nasa kapangyarihan ay hindi magtatagal dito ng walang pahintulot ng mga tao.

Sa isang awtoritaryanismong bansa, nawawalan ng bisa ang mga paraang ito. Kailangan kumapit sa kapangyarihan ang mga diktador kaya hindi aayon sa kanilang gusto ang patas na eleksyon. Kaya sa mga bansang nasasailalim sa awtoritaryanismo, kusa na nilang tinatanggal ang kapangyarihan ng mga taong mamili ng kanilang mga pinuno at hindi na sila nageeleksyon. Minsan, magpapaeleksyon ang mga diktador, ngunit ito ay kunwa-kunwari lamang. Sa ganitong paraan, nabebenta sa mga mamamayan ang ilusyon na maaari silang pumili at nagiging mas lehitimo ang patuloy na pamahalaan ng diktador.

 

PAKIKILAHOK NG MGA MAMAMAYAN

Higit pa sa pagpili ng mga pinuno, ang patuloy na pakikilahok ng mga mamamayan ay isa pang pagkakaiba ng demokrasya sa awtoritaryanismo. Sa isang demokrasya, inaanyayahan ang lahat na makilahok sa pamumulitika. Sa isang awtoritaryan na pamamahala naman ay itinitigil ng diktador ang kahit anong pakikilahok ng masa.

Sa demokrasya, inaanyayahan ang mga mamamayan na maging maalam tungkol sa mga isyung pampubliko at ipahayag ang kanilang mga opinyon tungkol sa mga isyu na ito, pati narin ang kanilang mga opinyon tungkol sa kanilang mga nahalal na pinuno. Ang mga mamamayan ay may kapangyarihang hubugin ang mga desisyon ng mga kinauukulan sa pamamagitan ng pagiging aktibong miyembro ng sambayanan at mga non-government organizations.  Sa pagboto sa eleksyon at pagpili ng mga interes na uunahin ng gobyerno, nakikilahok ang mga mamamayan sa paggamit ng kapangyarihan. Inaanyayahan din ang mga mamamayang makilahok sa mga mapayapang paraan, na may respeto sa batas at nagbibigay halaga sa iba’t-ibang paniniwala.

Tinatanggihan ng awtoritaryanismo ang ganitong partisipasyon at ang kahit na anong partisipasyon. Ang hindi pagsang-ayon ay tinatagurian pagrerebelde, banta sa kapangyarihan ng diktador na siyang gagamit ng karahasan para matahimik ang oposisyon. Ang pagdedesisyon ay limitado sa kagustuhan ng diktador na nagpapatupad ng mga batas para sa paglaganap ng kanyang sariling interes na walang pakialam sa tamang proseso. Walang batas ang makakapigil sa kanila, walang pluralidad na dapat isipin.

 

MGA PANGUNAHING KALAYAAN

Ang huling pagkakaiba ng demokrasya at awtoritaryanismo ay ang kanilang pagtrato sa mga pangunahing kalayaan. Ang mga totoong demokratikong estado ay rerespetuhin at paninindigan ang mga kalayaan ng kanilang mga mamamayan, maging sino man sila. Ang mga kalayaang ito ay ang kalayaang magpahayag, ng relihiyon, magtipun-tipon, at ng media, pati narin ang karapatan sa privacy, due process at buhay.

Hindi rerespetuhin ng isang diktador ang mga kalayaan at karapatang ito. Ito ay dahil hindi kayang sustentuhan ng diktador ang kanyang kapangyarihan kapag malayang ginagamit ng mga mamamayan ang mga kalayaan at karapatan na ito. Sa paggamit ng mga kalayaang ito, nagiging vulnerable sa kritisismo ang diktador at nabubunyang ang kanyang mga abuso at ang limitasyon ng kanyang kapangyarihan. At dahil lahat tayo ay may mga pangunahing kalayaan, dapat ang lahat ay maaaring gumamit nito, maging diktador o ordinaryong mamamayan. Madalas ay hindi kikilalanin ng diktador ang mga kalayaang ito para malaganap niya ang kanyang sariling kapangyarihan. Basta makukumbinsi niya ang publiko na mas importante siya kaysa sa kahit na anong kalayaan at siya ang nangingibabaw sa lahat, magagawa ng diktador na patuparin ang kanyang mga abuso.

 

KONKLUSYON

Isang tanong ang nasa puso ng ating pagsusuri ng pagkakaiba ng demokrasya at awtoritaryanismo: Anong klaseng lipunan ang gusto nating tirahan? Ipinakita ng eksibit na ito na naaapektohan ng disenyo ng lipunan ang mga paraan kung paano nakakamit ang kapangyarihan at kung paano ito nagagamit. Sa ganitong paraan din nahuhubog ang ating mga buhay bilang mga mamamayan — ang ating kalayaan, pagkakaisa, at dignidad.

Pero higit pa sa tanong na ito, mas importante sigurong suriin ang susunod na tanong: Ano ang iyong magagawa para hubugin ang lipunang gusto mong tirahan? Sa gitna ng istraktura at kaayusan ng ating lipunan, paano tayo magiging ganap na mga mamamayan — at ano ang maaari nating gawin para pagbutihin pa ito?

 


Mga Sanggunian:

  1. Arendt, H. (2005). The promise of politics. New York: Schocken Books.

  1. What is democracy. (2004). Stanford University. Retrieved from https://web.stanford.edu/~ldiamond/iraq/WhaIsDemocracy012004.htm


RELATED ARTICLES


Faces of Authoritarianism
To see some of the faces of authoritarianism throughout history allows us to become aware of when our own leaders beg...
The Second ABS-CBN Shutdown
We look into the history and patterns from the first and second ABS-CBN shutdown, the first during Marcos' Martial an...
Isang Primer para sa Mulat na Mamamayan
Kahit sino man ang pinuno natin, ang bawat Pilipino ay may kakayahang gumawa ng mabuti para sa bansa bilang isang mul...